NAGA CITY – Ilang mga bayan sa lalawigan ng Camarines Sur ang nakapagtala rin ng aberya sa vote counting machines (VCM) kasabay ng eleksyon ngayong araw.
Nabatid na isang lugar sa islang bayan ng Caramoan ang pansamantala munang hindi nakaboto ang mga botante matapos masira ang VCM sa loob ng isang polling precint.
Ayon sa technician ng naturang makina, maayos naman ang kalagayan nito nang isailalim sa final testing and sealing ngunit hindi nila inaasahan na bigla na lamang itong magkaka-aberya sa mismong araw ng halalan.
Maliban sa naturang lugar, anim na iba pang barangay at dalawang sitio mula parin sa naturang isla ang nawalan ng kuryente kung kaya’t kinakailangang gumamit ng mga generator sets para maipagpatuloy ang eleksyon.
Sa ibang mga bayan naman, kinakailangan pang baliktarin ang mga VCM para gumana.
Sa kabila nito, agad namang nagawan ng paraan ng mga Board of Election Inspectors (BEIs) ang naturang mga problema.