LEGAZPI CITY – Wala pa ring nakikitang senyales ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na magtatapos na ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa kabila ng patuloy na pagbaba ng mga naitatalang aktibidad nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas ang Chief ng Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, mayroon pa rin na naitatalang mga volcanic earthquakes at patuloy ang pamamaga ng bunganga ng bulkan na indikasyon na mayroon pa rin na pressure sa ilalim dahil sa pag-akyat ng magma.
Kahapon lang ng makapagtala ng isang ashing event o ang pagbuga ng gas na may kasamang abo na umabot ng nasa 200 meters ang taas.
Sinabayan ito ng malakas na tunog na naitala ng mga ekipahe at kung minsan ay naririnig ng mga residenteng nakatira malapit sa baba ng bulkan.
Dahil dito, malabo pa umanong ibaba ang alert level 3 na nakataas sa bulkan habang kailangan pang manatili sa evacuation centers ang mga nakatira sa 6km permanent danger zone.
Inihayag rin ni Bornas na sa ngayon ay mababa na ang posibilidad na magkaroon pa ng explosive erruption ang Bulkang Mayon lalo pa’t halos apat na buwan na ang pag-aalburoto nito.