Nilinaw ngayon ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) na walang katotohanan ang mga lumabas na impormasyong naapektuhan ng Kanlaon eruption ang iba pang bulkan sa ating bansa.
Ayon kay Dr. Winchelle Sevilla, supervising science research specialist, DOST-PHIVOLCS, walang katotohanan ang ganung claims at hindi iyon nagmula sa kanilang tanggapan.
Giit ni Sevilla, ang naging phreatic eruption ng Mt. Kanlaon ay dahil sa accumulated energy na naipon mula sa istraktura ng bulkan.
Ibig sabihin, unti-unting naipon ang magma, nagkaroon ng paggalaw ng mga bato at may pamamaga ng lupa bago ito tuluyang pumutok.
Kung wala naman aniyang ganung formation ng volcanic materials ang ibang bulkan, wala namang mangyayaring pagsabog.
Kung nagkaroon man umano ng magkasabay na abnormalidad ang dalawa o higit pang bulkan, nagkataon lamang ito at walang direktang koneksyon sa isa’t-isa.
Payo ng DOST, mag-ingat sa panganib na dala ng volcanic eruption, kasabay din ng pag-iingat sa mga natatanggap na impormasyon, upang hindi makalikha ng pangamba para sa panig ng mga mamamayan.