BAGUIO CITY – Umabot na sa 13 ang bilang ng mga nasawing overseas Filipino workers (OFWs) sa Oman dahil sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo kay Atty. Gregorio Abalos Jr., Labor Attaché ng Philippine Overseas Labor Office-Muscat, sinabi niya na agad isinailalim sa cremation ang labi ng mga nasabing OFWs alinsunod sa protocol ng COVID-19 sa Oman.
Aniya, maaari lamang maiuwi ang mga abo kung luluwagan ng pamahalaan ng Oman ang travel restrictions doon.
Sa ngayon aniya ay aabot na sa 526 OFW sa Oman ang apektado sa pandemya kung saan 148 ang mga naka-quarantine habang 375 ang mga gumaling na.
Ipinaalam din ng dating alkalde ng La Trinidad, Benguet, na patuloy ang pagtulong ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga OFW doon gaya ng $200 na tulong pinansiyal at iba pang suporta na ibinabahagi ng kanilang opisina.
Dinagdag pa ni Atty. Abalos na magpupulong ang kanilang opisina at ng embahada ng Pilipinas sa Oman para sa inaasahang pagpapabakuna sa mga OFWs doon sa pamamagitan ng Pfizer.