-- Advertisements --

Tatanggalan na ng Korte Suprema ng lisensiya bilang abogado ang isang abogadang naglabas ng pekeng draft resolution ng Court of Appeals (CA).

Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesperson Brian Hosaka, sa isinagawang en banc session kanina, nagdesisyon ang mga mahistrado na patawan ng disbarment ang abogadong si Atty. Maria Frances Ramon.

Nag-ugat ang isyu sa pagpapalabas nito ng pekeng draft decision ng Court of Appeals (CA) sa isang kaso at nakaladkad ang pangalan ng tatlo nitong justices para palabasin na naabsuwelto ang kanyang kliyente sa krimen na may kinalaman sa paglabag RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dahil dito, inireklamo siya ng administratibo nina CA Associate Justice Fernanda Lampas-Peralta, Stephen Cruz at Ramon Paul Fernando.

Naging batayan naman ng SC na patawan ng parusang disbarment si Ramon dahil sa grave misconduct at paglabag sa code of professional responsibility.

Dagdag pa ng SC, binabahiran ni Ramon ang imahe ng hukuman kung kayat nararapat lamang na patawan ito ng naturang parusa.

Sinunod di ng SC ang resulta ng imbestigasyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at sinunod ang rekomendasyon ng IBP board na tanggalin ito sa listahan ng roll of attorneys.