Humarap sa tanggapan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region ang dalawang abogado ng mga respondent sa pagpatay sa flight attendant na si Christine Dacera.
Pasado alas-8:00 kaninang umaga, dumating sina Atty. Mike Santiago abogado ni Gregorio De Guzman at Atty Paul Malapote, abogado naman ni Jammyr Cunanan sa Camp Crame.
Bitbit ng dalawang abogado ang position paper ng kanilang respondent at nakipagkita rin kay CIDG-NCR chief, Col.Randy Silvio.
Ayon sa dalawang abogado, natanggap nila ang mga subpoena na ipinadala ng mga pulis matapos ipag-utos ni PNP chief Police General Sinas na sumuko ang kanilang mga kliyente.
Dahil may utos na rin ang Makati Court na palayin ang tatlong suspek kagabi ay hihintayin din muna nila ang preliminary investigation sa kaso at doon na ihaharap ang mga kliyente nila.
Matatandaan na una nang sinabi ni Sinas na 3 araw ang ibibigay nya sa mga suspek na Dacera case na sumuko at kung hindi sila ihaharap ay ipapa-contempt sila.
Ayon kay Col. Silvio, hindi pa nila matukoy ang lokasyon ng lima pang mga respondent sa kaso.
Rerebyuhin naman nila ang position paper na isinumite ng dalawang abogado na humarap para sa kanilang mga kliyente.