Itinanggi ng abogado ng pamilya ng kidnap victim at pinaslang na negosyanteng Chinese na si Anson Tan alias Anson Que ang kaugnayan nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ang inihayag sa isang statement ngayong Sabado, Abril 12 ng tumatayong counsel ng pamilya Tan na si dating Quezon City congressman Atty. Christopher “Kit” Belmonte.
Ayon kay Atty. Belmonte, pinasinungalingan ng pamilya ng pinaslang na si Anson Que ang mga alegasyon na sangkot ang kanilang ama sa mga transaksiyon ng POGO. Wala din umano silang inuupahang property sa Bulacan.
Iginiit pa nito na tanging lehitimong negosyo lamang ang mayroon si Anson sa loob ng ilang dekada at miyembro ng Filipino Chinese business community at kilala sa kaniyang pagkakawang-gawa.
Sa buong buhay aniya ni Anson Que, umiwas ito sa mga kaduda-dudang deals at nakikipag-negosasyon lang sa mga taong kilala niya at pinagkakatiwalaan.
Umapela din ang pamilya Tan sa publiko na manatililing mapanuri sa mga misleading na balita at nagpasalamat din sa lahat para sa suporta.
Ipagpapatuloy naman aniya ng pamilya Tan ang pakikpagtulungan sa Philippine National Police kasabay ng pahingi ng privacy sa panahon ng kanilang pagluluksa sa pagpanaw ng kanilang ama.
Ginawa ng pamilya Tan ang pahayag kasunod ng napaulat na tinarget umano si Anson Que ng isang kidnap-for-ransom group na konektado sa POGOs.