Itinanggi ng abogado ng pinaghahanap na si dating Bamban Mayor Alice Guo na nagsinungaling ito sa kinaroroonan ng kaniyang kliyente.
Sa isang statement, sinabi ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David na sa lahat ng kaniyang mga panayam sa media, consistent niyang sinabi na nakadepende lamang siya sa mga sinasabi ng kaniyang kliyente. Sa ibang salita, kaniya lamang umanong inuulit ang deklarasyon ni Guo na nasa Pilipinas pa rin siya.
Bagamat inamin ni Atty. David na hindi niya makumpirma ang naturang impormasyon at walang ideya kung nasaan talaga ang sinibak na alkalde.
Nakadepende lamang umano siya sa representasyon at disclosures ng kaniyang kliyente, kayat nagtitiwala ito sa katapatan at kawastuhan ng impormasyong ibinigay sa kaniya para depensahan at protektahan ang mga karapatan ng kaniyang kliyente.
Paliwanag pa ni Atty. David na nang ginawa niya ang naturang mga pahayag, walang travel records si Guo gaya ng stamps ng pagpasok niya sa ibang bansa, fingerprints o CCTV footage, kayat wala aniyang dahilan para pagdudahan niya ang pahayag ni Guo.
Ginawa ni Atty. David ang naturang paglilinaw matapos na sabihin ng ilang mga opisyal na posibleng sampahan siya ng kaso dahil sa kaniyang mga naging pahayag.
Matatandaan din na nauna ng sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kanilang sisiyasatin ang posibilidad na may kinalaman ang legal counsels ni Guo sa kaniyang pagtakas palabas ng bansa.