Kumpiyansa si Atty. Nicholas Kaufman, ang pangunahing abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na may malakas na argumento aniya sila upang itigil ang kaso laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC) bago pa man ito dumaan sa paglilitis.
Binigyang diin ni Kaufman na hindi saklaw ng hurisdiksiyon ng ICC ang kaso dahil sa pag-alis ng Pilipinas sa international court bago pa man in-authorize ang imbestigasyon laban sa dating Pangulo.
Dagdag pa ni Kaufman na ang pag-withdraw ng Pilipinas mula sa ICC ay naging epektibo bago pa man magsimula ang kanilang imbestigasyon.
Umaasa din itong magtatagumpay ang kanilang depensa kung matanggap ng korte ang kanilang argumento na magbubukas naman sa posibilidad na hindi matuloy ang confirmation-of-charges hearing na nakatakda sa Setyembre 23, 2025.
Samantala, ipinaliwanag pa ni Atty. Kaufman na ang pag-aresto kay Duterte at ang mabilis na pagpasa sa kanya sa ICC ay isang “kidnapping” at “extrajudicial rendition,” na labag umano sa batas ng Pilipinas. .
Ngunit una nang ipinahayag ng gobyerno ng Pilipinas na ang pagsuko kay Duterte sa ICC ay bahagi lamang ng kanilang obligasyon sa International Criminal Police Organization at hindi nangangahulugang ipinapalagay nilang may sala ang dating Pangulo.