LAOAG CITY – Nadakip sa drug buy bust operation ng mga otoridad sa Lungsod ng Laoag, Ilocos Norte, ang isang abogado na nasa Director for Intelligence (DI) watchlist ng Philippine National Police (PNP).
Kinilala itong si Atty. Michael Llaguno, 43-anyos na residente ng Barangay 1, Ricarte sa Batac City.
Nakuha sa kanya ang tatlong sachet na naglalaman ng umano’y shabu; P1,000; tooter; lighter; kaha ng sigarilyo; wallet; at P200.
Ayon kay P/CMSgt. Harold Nicolas ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), noong 2016 ay nasa listahan ng Laoag-Philippine National Police ang pangalan Llaguno at taong 2017 naisama ito sa national level.
Inihayag nito na sa Batac City sana ang lugar kung saan magaganap ang transaksyon ngunit dahil may gagawin ito sa Laoag ay nagkita umano sila ng police pusuer buyer sa Barangay 5 ng siyudad.
Ngunit dahil mabilis aniya ang mga pangyayari ay agad umalis ang abogado at hindi nakaresponde ang back up team dahilan para habulin nila hanggang sa Barangay 10 kung saan ito nahuli.
Pinabulaanan naman ito ng abogado at itinangging may transaksyong naganap dahil marami raw nakakita kung paano binuksan ng mga pulis ang kanyang sasakyan kung saan pilit na inilabas ang hindi niya raw alam na mga iligal na droga na nasa kustodiya niya.
Iginiit pa nito na hindi siya nagbebenta ng iligal na droga kundi ganitong kaso lamang ang hinahawakan nito.
Samantala, inamin ni Atty. Bernie Francis Constantino, presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Ilocos Norte, na nagulat ito sa pagkakahuli kay Llaguno.
Sinabi nito na hindi niya inakala na kapareho pa niyang abogado ang masasangkot sa iligal na droga ngunit kailangan mapatunayan ito.
Dagdag pa nito na kung kukuha man ng abogado ni Llaguno sa IBP-Ilocos Norte ay karapatan niya ito at susundin aniya nila ang wastong proseso.
Paliwanag pa niya na kahit isa sa kanila ang magiging abogado ni Llaguno ay hindi ibig sabihin na kakampihan nila ito, kundi gagawin lang nila ang kanilang trabaho para maibigay ang tamang serbisyo.