-- Advertisements --

Maghahain ng affidavit ang abogadong si Elmer Galicia na nag-notaryo sa counter-affidavit ng sinibak na dating alkalde ng Bamban na si Alice Guo para sa non-bailable human trafficking case para patunayan na nakipagkita nga siya sa alkalde.

Kasalukuyan ngang tinutugis ng mga awtoridad si Guo matapos mapaulat na nakalabas ito ng bansa noong Hulyo 17 kahit na nasa ilalim siya ng immigration lookout bulletin order.

Ayon kay Bulacan Provincial Prosecutor Ramoncito Ocampo, kasama ni Galicia na nagtungo nitong Martes sa DOJ para linawin ang notarization ng counter-affidavit ni Guo, na nakatagpo ni Galicia ang dating alkalde sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Binanggit pa ni Ocampo, na sinabi ni Galicia, na dumating sa opisina niya ang na-dismiss na alkalde sakay ng Toyota Land Cruiser dakong alas-7 ng gabi noong Agosto 14.

Nag-usap umano sila ni Alice Guo sa labas ng kanyang opisina at ipinakita ni Guo ang lisensya niya sa pagmamaneho saka pinanotaryo na ni Galicia ang counter-affidavit na isinumite sa DOJ ng mga abogado ni Guo noong August 16 1para sa preliminary investigation. 

Batay kasi sa jurisprudence, ang notaryo publiko ay hindi dapat magpanotaryo ng isang dokumento maliban na lang kung ang mga taong pumirma nito ay ang mismong mga taong nagsagawa nito at personal na humarap sa kanya upang patunayan ang nilalaman at katotohanan ng kung ano ang nakasaad sa dokumento. 

Una rito, sinabi ng kampo ni Guo na nagtitiwala sila sa integridad ni Galicia at naniniwala na nasa bansa pa rin ang dating alkalde.