Planong sampahan ng mga awtoridad ng kasong kriminal si Atty. Elmer Galicia, ang abogadong nag-notaryo sa counter-affidavit ni dating Bamban Mayor Alice Guo sakaling mapatunayang nagsisinungaling ito ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio.
Aniya, kanilang iniimbestigahan kung totoo ang sinasabi ni Galicia na nakipagkita ng personal sa kaniya si Guo para magpanotaryo noong Agosto 14 sa San Jose Del Monte city, Bulacan.
Ayon sa PAOCC official, inaantay na lamang nila ang karagdagang verified information mula sa ibang ahensiya para sa posibleng paghahain ng kaso laban kay Atty. Galicia. Sa oras aniya na magkaroon sila ng sapat na basehan saka sila maghahain ng criminal charges.
Samantala, ibinunyag din ng PAOCC official na nakatakdang sampahan ng karagdagan pang mga kaso ang na-dismiss na alkalde ng Bamban na si Alice Leal guo sa mga susunod na linggo kung saan kabilang aniya sa naihain ng mga kaso ay ang tax evasion, qualified trafficking in person at nahatulang guilty ng Office of the Ombudsman para sa grave misconduct dahil sa pag-facilitate nito sa operasyon ng illegal POGO hub sa kaniyang bayan.