Iginiit ng abogadong nag-notaryo sa counter-affidavit ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong human trafficking na biktima siya sa nangyari.
Ito ay matapos na gisain ng mga Senador ang abogado sa pagpapatuloy ng pagdinig nitong Martes para magpaliwanag sa counter-affidavit na kaniyang ni-notaryo noong Agosto 14 nang hindi humaharap si Guo, taliwas sa kaniyang naging pahayag sa naunang mga pagdinig na personal niyang nakita ang dating alkalde.
Noong Agosto nga napaulat na nakatakas na ng Pilipinas si Guo kayat lumabas na kaduda-dudang naipanotaryo nito ang kaniyang counter-affidavit kahit na wala na siya sa bansa mula pa noong Hulyo.
Sa naturang pagdinig, nagmatigas din si Atty. Galicia at iginiit ang kaniyang karapatan laban sa self-incrimination nang makailang beses na pinagbigyan ng mga Senador ang abogado para ipaliwanag ang kaniyang panig matapos umamin si Alice Guo na noon pang unang linggo ng Hulyo niya nilagdaan ang kaniyang counter-affidavit.
Samantala, sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na nagsinungaling si Atty. Galicia kayat dapat aniya itong panagutin.
Sa natura ding pagdinig, tinukoy din ni ex-Mayor Alice Guo ang abogadong naghanda ng draft ng kaniyang counter-affidavit na si Atty. Ray Ann Co ng Gana-Atienza-Avisado law firm.
Dito, ipinaliwanag naman ni Atty. Co na ipindala nila ang dokumento sa secretary ni Guo na si Catherine Salazar noong Agosto 14 nang hindi alam kung nasaan ang dating alkalde.
Ipinaalam din umano sa kanila na tumangging makipagkita ng personal si Guo dahil umano sa banta sa kaniyang buhay kayat nakipag-ugnayan lamang umano sila sa pamamagitan ng cellphone.
Samantala, isinalaysay naman ng aide ni Guo na inatasan siyang iimprinta ang draft na ipinadala ng law firm sa pamamagitan ng messaging application (viber) at in-attach ang signature page na nasa brown envelope na kinuha niya mula sa bahay ni Guo sa Bamban, Tarlac.