Naging mainit ang sagutan sa pagitan nina US President Joe Biden at dating Pres. Donald Trump sa usapin ng abortion o pagpapalaglag ng mga sanggol.
Isa kasi ang abortion sa mga naging sentro ng debate kung saan natanong ang dalawa kung ano ang katayuan nila sa paggamit ng abortion sa US.
Ayon kay Biden, nakahanda siyang i-restore ang Roe vs Wade, isang landmark decision sa US noong 1973 na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga mamamayan doon na piliin ang abortion.
Ang naturang desisyon ay na-overturn noong 2022 kung saan tatlo sa mga mahistradong bumuto pabor dito ay unang in-appoint ni Trump.
Ang naturang desisyon ay muling kinondena ni Biden sa nangyaring debate at iginiit ang pangangailangang mabigyan ang mga mamamayan, lalo na ang mga kababaihan ng tyansa at sariling pagdedesisyon ukol rito.
video credits: CNN
Sa panig ni Trump, iginiit nitong suportado ng nakararaming US citizen ang naturang desisyon. Hindi aniya siya papayag na magkaroon ng federal abortion ban, pero hahayaan nito ang bawat estado na i-monitor ang kalagayan ng mga kababaihan.
Iginiit din ng dating US Pres na ang tanging exceptions para sa abortion ay sa mga kaso ng rape, incest, at kung kailangang isalba ang buhay ng nanay.
video credits: CNN
Sa kasalukuyan, magkakaiba ang lokal na batas ng mga estado sa US ukol sa abortion.
Labindalawa(12) dito ay pinapayagan ang abortion kung ito ay kinakailangan o kung ito ay upang protektahan ang buhay at kalusugan ng isang buntis.
Labimpitong(17) estado, kasama ang District of Columbia, ay may mga batas na nagpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan na magpalaglag.
Tatlong(3) estado naman ay may inilaang proteksyon para sa mga nagpapalaglag, at nakalaan ito sa kanilang state constitution.
Ang ibang estado ay nagbibigay ng limitadong proteksyon sa abortion, habang ang iba ay naglaan lamang ng ‘extreme’ cases kung kailangan papayagan ang pagpapalaglag.