BAGUIO CITY – Binibili ng lokal na pamahalaan ng Abra ang mga produktong gulay ng mga magsasaka doon para maipamahagi sa mga naka-quarantine dahil pa rin sa COVID-19.
Ayon kay Abra Governor Joy Bernos, mas mabuting gulay ang ipinamamahagi sa mga residente kumpara sa de-lata o instant noodles.
Ipinaliwanag niyang sa pamamagitan nito ay matulungang makabenta ang mga magsasaka sa mga ani ng mga ito lalo na’t hindi na nakakalabas ang mga ito dahil sa Enhanced Community Quarantine.
Samantala, epektibo na ang ‘One Entry, One Exit Scheme’ sa lahat ng barangay sa buong lalawigan ng Abra para matutukan ang pagsasagawa ng Enhanced Community Quarantine.
Isinara ang ilang kalsada doon at naging iisa na lamang ang daanan papasok at palabas sa mga barangay at mayroong pang barangay checkpoint sa bawat exit at entry point.
Mahigpit na ring ipinagbabawal sa Abra ang pagbenta at pag-inom ng alak hanggang sa April 13 ng kasalukuyang taon.