-- Advertisements --

VIGAN CITY – Natuklasan ng mga otoridad na ang isa sa tatlong assault rifle na nakumpiska sa campaign vehicle na naabandona pagkatapos ng engkuwentro ng mayoralty candidate at Association of Barangay Captains (ABC) president sa Tayum, Abra noong Abril 23 ay pagmamay-ari umano ng alkalde ng bayan ng Lagayan.

Base sa report ng Firearms and Explosives Office ng Camp Crame noong Abril 29, nakumpirma na ang caliber 5.56 Nveske rifle na nag-expire ang lisensya noong Enero 14, 2011 ay nakarehistro sa pangalan ni Mayor Jendricks Seares Luna.

Una rito, kinuha ng mga otoridad sa loob ng naabandonang pick up truck na ginamit nina Tayum mayoralty candidate Jose Mari Brillantes at ng kaniyang grupo noong Abril 23 ang dalawang M4 assault rifles, isang M16 assault rifle, dalawang Para Ordnance .45-caliber pistols and isang STI edge 45 caliber pistol, kasama na ang daan-daang bala matapos na maglabas si Regional Trial Court Branch 22 acting Executive Judge Gina Juan Chan ng Narvacan, Ilocos Sur ng search warrant para mahalughog ng mga otoridad ang loob ng ginamit na pick-up truck, isang linggo matapos ang nangyaring engkuwentro.

Maliban pa dito, napag-alaman din na ang sasakyang ginamit at hinalughog ng mga otoridad na mayroong mga campaign posters ng congressional candidate na si Corpus at si gubernatorial candidate, Dolores mayor Robert Seares Jr., ay pagmamay-ari rin umano ng isang LGU official ng Lagayan.

Dahil dito, maliban kay Tayum mayoralty bet Brillantes na nakahandang arestuhin ng mga otoridad pagkalabas ng arrest warrant laban sa kaniya hinggil sa nasabing pangyayari at sa tangkang pagpatay sa dalawang barangay official, posibleng arestuhin rin umano ng mga pulis si Luna para pagpaliwanagin kung bakit nakita sa loob ng sasakyang ginamit nina Brillantes ang kaniyang baril na expired na ang lisensya.