LA UNION – Kinumpirma ni Abra Governor Joy Bernos na isa sa mga residente ng lalawigan ang nagpositibo na rin sa coronavirus disease (COVID-19).
Isa umano itong 39-anyos na seaman na galing Middle East at dumating sa bansa noong Marso 8.
Bago pa umano ito umuwi sa kanilang lugar ay itinuturing na siyang Person Under Investigation kung kaya’t pinayuhan ito na mag-self quarantine sa loob ng 14 araw, ngunit nabigo itong ipaalam sa kanyang pamilya at sa mga kinauukulan.
Lumipas ang ilang araw at nagpatingin ang naturang seaman sa Lorma Hospital sa San Fernando City, La Union at dito na natukoy na positibo sa COVID-19.
Ang Provincial Task Force on COVID 19 sa Abra na pinangungunahan mismo ni Gov. Bernos ay nagsasagawa ngayon ng tracing sa mga pinuntahang lugar at posibleng nakasalamuha nito.
Lumalabas sa impormasyon na maliban sa kanyang hometown sa Manabo, tinungo din umano ng seaman ang bayan ng Sallapadan at Licuan-Baay at dumalo din umano sa Abrenian Kawayan Festival 2020.
Lahat ng mga residente sa Brgy. Catacdegan Nuevo, Manabo, Abra ay itinuturing ngayon na person under monitoring (PUM) matapos magpositibo sa COVID-19 ang naturang seaman.
Bilang pagtugon sa nasabing kaso, ipapatupad ni Gov. Bernos ang tatlong araw na province-wide curfew, mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.