-- Advertisements --
ABRA MAP
Abra Map

BAGUIO CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng Joint Security Coordinating Center ng Abra ang barilan sa pagitan ng grupo ng isang mayoralty bet at grupo ng Association of Barangay Captains (ABC) president ng bayan ng Tayum nitong Martes ng umaga kung saan dalawa ang nasugatan.

Ayon kay Atty. Dexter Barry Cawis, provincial election officer ng Abra, ang resulta ng imbestigasyon ng center ang magdedetermina kung isasailalim o hindi sa kontrol ng Commission on Elections (COMELEC) ang probinsya.

Aniya, ipinag-utos na rin ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera ang malalimang imbestigasyon sa insidente na nangyari sa kasagsagan ng isang campaign sortie sa An-ananao, Budac, Tayum.

Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo, unang nagkainitan ang live-in partner ni Budac Barangay Captain Walter Tugadi at si mayoralty candidate Joey Brillantes habang nangangampanya ito sa nasabing barangay.

Nadesisyon ang live-in partner ni Tugadi na umalis na lamang ngunit bigla umanong pinaputukan ng grupo ni Brillantes ang kanilang sasakyan kaya bumawi ang kampo ni Tugadi na nagresulta sa pagkasugat ng tig-isang indibidual sa magkabilang grupo.

Gayunman, sinabi ni Atty. Cawis na kailangang maberipika pa kung ano ang totoong nangyari sa Tayum at ang pinal na report ay isusumiti sa COMELEC en banc para sa ilalabas na desisyon.

Naideklarang election hot spot ang Abra noong March 19 at isinailalim ito sa red category.

Samantala, muling binuhay ang “Abra Shield” na isang security plan na nagsisilbing “handbook” ng mga otoridad sa paghawak sa halalan sa nasabing lalawigan para makamtan ang payapa at tahimik na 2019 midterm elections.

Napag-alaman din na pinalitan ng PRO-Cordillera ang hepe at intel unit chief ng Bangued PNP sa Abra para mabura ang anumang hinala ng pagkiling sa mga pulis sa nalalapit na halalan.