-- Advertisements --
image 458

Nanawagan ang Abra Provincial Police Office sa mga maaaring tumulong sa pagtukoy o paghahanap ng mga salarin sa likod ng pagpatay kay Atty. Maria Saniata Alzate na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Sinabi ni Abra Provincial Police Office public information office chief Police Captain Ronaldo Eslabra na inaalam pa ang motibo sa likod ng pagpatay kay Alzate habang nananatiling at large ang mga suspek.

Aniya, kung taga-Abra ang mga suspek, mayroon makakakilala sa mga ito subalit magpasahanggang ngayon ay wala pa aniyang nagkokomento o makapagsabi ng impormasyon ukol sa mga suspek.

Sa kabila nito, ayon kay Eslabra, nagsasagawa na ang kapulisan ng backtracking sa CCTV footage para malaman kung saan nagmula ang mga salarin.

Matatandaan, pinatay si Alzate noong Huwebes matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa harapan ng kaniyang bahay habang nasa loob ng kaniyang sasakyan.

Si Alzate ang maybahay ng dating judge ng Abra Regional Trial Court, at Commissioner ng Bar Discipline of the Integrated Bar of the Philippines (IBP) simula 2015. Si Alzate din ay nanungkulan bilang presidente ng IBP Abra Chapter.