Hindi umano maaring magbigay ang National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority sa ABS-CBN para mapagpatuloy ang operasyon ng naturang media giant kahit magpaso ang prangkisa nito sa susunod na buwan.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na tanging may valid, existing at/o renewed franchise ang maaring mag-apply para sa certificate of public convenience and necessity (CPCN).
Pahayag ito ni Lagman matapos sabihin ng ilang kapwa niya kongresista na maaring kumuha ang ABS-CBN ng provisional authority to operate mula sa NTC kapag ma-expire ang kanilang prangkisa at hindi maaprubahan ang nakabinbin na mga panukala para sa kanilang franchise renewal sa Kongreso.
“The NTC cannot on its own resurrect an expired legislative franchise by granting a former grantee a “provisional authority to operate,” dagdag pa nito.
Sa halip na bigyan aniya ng “illusory remedy” ang Lopez-led broadcast company, sinabi ni Lagman na dapat bilisan ng Kamara ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Samantala, iginiit din ni Lagman na maaring hamunin sa korte ang opinyon na maaring ipagpatuloy ng ABS-CBN ang operasyon nito dahil may pending application naman sa kanilang renewal at hindi pa naka-adjourned sine die ang Kongreso.
“Section 16 of R.A. No. 7925 or the “Public Telecommunications Policy Act of the Philippines” unequivocally provides that “no person shall commence or conduct the business of being a public telecommunications entity without first obtaining a franchise,” ani Lagman.