Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na fully compliant ang ABS-CBN sa mga direktiba na kanilang inilabas para sa network patungkol sa umano’y paglabag nito sa labor standards at occupational safety.
Sa pagdinig ng House joint committee sa prangkisa ng ABS-CBN, sinabi ni Labor Undersecretary Ana Dione na ang DOLE ay nagsagawa ng routine inspection mula Hulyo hanggang Setyembre 2018 sa media giant.
Doon nakita nila ang mga paglabag ng ABS-CBN sa labor standards at occupational safety at health sa kompanya.
“As a matter of procedure, merong mga series of mandatory conferences na conducted for the purpose of the parties submitting proof of compliance or submitting employment records to disprove noted violations and findings during the inspection,” ani Dione.
Pero sa ngayon, compliant na aniya ang kompanya sa lahat ng findings at violations na nakita ng DOLE sa isinagawang inspeksyon.
Bukod sa labor standards at occupational safety at health issues, iprinisinta rin ni Dione ang iba pang labor cases na kinasasangkutan ng Lopez-led broadcast company, kabilang na ang dalawang inter/intra union disputes, limang notice of strikes, apat na preventive mediation cases, at 109 illegal dismissal cases.
Sa 109 illegal dismissal cases, 108 ang naresolba na at isa naman ang pending pa rin sa ngayon.
Mababatid na ang issue sa umano’y paglabag ng ABS-CBN sa labor laws ay isa sa mga puntong tinatalakay ng Kamara para pagbasehan kung bibigyan nila o hindi ng 25-year franchise ang kompanya.