Pagpaliwanagin daw ng Kamara ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa inilabas nitong cease and desist order laban sa media giant na ABS-CBN.
Ayon kay House Committee on Legislative Franchises chairman Franz Alvarez, papadalhan nila ng show cause order ang mga NTC officials para pagpaliwanagin ang mga ito kung bakit hindi sila dapat ma-contempt.
Binalewala daw kasi NTC ang commitment nito sa Kamara na bibigyan ng provisional authority to operate ang broadcast company habang pending pa sa Kongreso ang franchise renewal application nito.
Malinaw din aniyang panghihimasok sa kapangyarihan ng Kongreso ang ginawa ng NTC.
Dahil dito, pinag-aaralan na raw ng liderato ng Kamara ang susunod nilang hakbang.
Kasabay nito ay naninindigan pa rin ang komite sa kanilang posisyon na dapat payagang makapag-operate ang ABS-CBN dahil na rin sa may precedent na ito.
Inihalimbawa ni Alvarez ang kaso ng CBCP na hindi naman ipinasara noon kahit pending pa sa Kongreso ang kanilang application.