-- Advertisements --

Pabor umano ang Commission on Elections (Comelec) sa mga mungkahing payagan ang mga senior citizen na makaboto nang ligtas sa gitna ng pandemya.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, magiging lantad sa COVID-19 virus ang mga matatanda sa mga matataong polling center.

“So gusto natin magkaroon ng absentee voting for senior citizens at mayroon nga pong panukala dyan. Kami ay tumutulong sa kongreso para maipasa iyan,” wika ni Jimenez sa isang panayam.

Bagama’t sang-ayon din aniya ang poll body sa mga suhestyon na makaboto ang mga senior citizen sa ilalim ng mail-in system, sinabi ni Jimenez na mas kumplikado raw ito sa absentee voting.

“Kami sa COMELEC we support these methods, gusto natin ‘yan. Pero specifically about mail-in voting tandaan natin na hindi lang COMELEC ang kailangang kausap dyan. Kailangan din ang postal service natin kasi ang postal office will carry the bulk of work there,” ani Jimenez.

Mahirap din aniyang sabihin kung makakaya ng postal service ng bansa na hawakan ang ganitong kalaking trabaho.

“Kung ako kung pwedeng mag mail in voting magmemail in ako e and I’m not a senior citizen. It’s an alternative mode that will attract a lot of people but it will take a lot of work,” anang opisyal.