Isinusulong ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang pagbabawal sa substitution ng mga political parties sa kanilang mga kandidato para sa halalan.
Ito ay para na rin mawakasan aniya ang “minupalation and mockery” ng election process dahil magmula nang pinayagan ng Comelec ang substitution process ay maraming tao ang hindi naniniwala na seryoso at qualified ang ilang mga aspirants sa mataas na posisyon na kanilang nais takbuhan.
Hindi aniya maitatanggi na para sa May 2022 elections ay mayroong ilang kandidato na naghain ng kanilang certificates of candidacies ang nakikita bilang proxies lamang ng ilang personalidad.
Para kay Rodriguez, dapat payagan lamang ang subsitution kung ang candidate-nominee ng isang political party ay binawian ng buhay o nadiskwalipika bago pa man ang araw ng halalan.
Inirekomenda rin niya na maibalik ang dating patakaran na obligahin ang mga incumbent officials na mag-resign sa oras na makapaghain ng kanilang certificate of candidacy.
Sa ganitong paraan, mabibigyan aniya ang Comelec ng sapat na panahon para ma-screen ang COC filers, maihanda ang pinal na listahan ng mga kandidato at ma-print ang official ballots at iba pang paraphernalia na kinakailangan.
Sa ilalim ng umiiral na election law, ang Comelec ay kailangan na maghintay hanggang sa November 15 deadline para sa substitution bago pa man maisapinal ang listahan ng mga kandidato kahit pa noon pang Oktubre 8 natapos ang COC filing.