-- Advertisements --

Hindi raw susuko ang Department of Health (DOH) sa kanilang kampaniyang ‘absolute ban’ sa lahat ng paputok sa buong bansa.

Ito’y matapos mabatid ng ahensya na karamihan sa mga biktimang nagtamo ng sugat ay dahil sa mga legal fireworks o yung mga paputok na pinapayagang gamitin ng publiko.

Nakita kasi sa latest record ng DOH na apat sa limang dahilan ng firework related injuries ay mula sa mga legal na paputok tulad na lamang ng kwitis, luces, fountain at baby rocket. Tanging piccolo lamang yung iligal doon sa limang nabanggit.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na magiging bukas ang kanilang ahensya sa kung ano man ang magiging reaksyon ng ibang sektor hinggil dito. Sa kabila nito ay ikokonsidera pa rin daw nila ang kabuhayan ng mga maaapektuhan.

Malaki rin umano ang naitulong ng Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 kung saan nililimitahan nito ang paggamit ng paputok sa buong bansa.