-- Advertisements --
Risa Hontiveros
Sen. Risa Hontiveros

VIGAN CITY – Muling tiniyak ng isang opposition senator na hindi umano maaabuso ang itinutulak nitong “Absolute Divorce Bill” kung sakali mang maaprubahan ito sa Senado.

Ito ay matapos na maaprubahan na sa Kamara ang nasabing batas na matagal nang itinutulak ni Albay Rep. Edcel Lagman.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairwoman ng senate committee on women, family relations and gender equality na mayroon umanong mga probisyon sa itinutulak nitong panukala upang masigurong hindi umano ito maabuso kung sakali mang makalusot sa Senado at mapagtibay bilang isang batas.

Kasama rin umano sa panukala ang tinatawag na “cooling off period” upang mabigyan ng sapat na oras at pagkakataon ang mga mag-asawa na pag-isipang mabuti kung nais talaga nilang maghiwalay o magdiborsyo.

Aniya, sigurado umanong dadaan sa tamang proseso ang paghihiwalay ng mag-asawa base sa itinutulak nitong panukala lalo pa’t nakasaad dito ang 11 grounds upang ma-grant ang petisyon sa legal na paghihiwalay ng mga mag-asawa.