Nilalabag umano ng kasalukuyang bersyon ng absolute bill na inaprubahan ng Kamara ang deklarasyon ng 1987 Constitution na ang kasal ay isang banal na social institution.
Ito ang opinyon ni retired Supreme Court (SC) Associate Justice Adolfo Azcuna sa isang pulong balitaan sa Maynila kaugnay sa kontrobersiyal na panukalang batas na naglalayong payagan ang mga mag-asawa na ipawalang bisa ang kanilang kasal.
Nakasaad kasi sa Article 15, Section 2 ng Konstitusyon, ang kasal ay isang inviolable social institution na pundasyon ng pamilya at dapat na protektahan ng estado.
Ibig sabihin ng inviolable ayon kay dating Associate Justice Azcuna ay hindi maaaring galawin, labagin o buwagin.
Subalit, bilang miyembro ng 1986 Constitutional Commission, ipinaliwanag ni Azcuna na hindi orihinal na intensiyon ng naturang probisyon sa Konstitusyon ang ipagbawal ang ganap na diborsyo sa Pilipinas.
Ito ay base na rin sa naging sagot ni Atty. Chito Gascon, ang proponent ng naturang probisyon sa naging mga deliberasyon.
Kayat ibig sabihin, maaari umanong magkaroon ng absolute divorce sa kondisyon na hindi nito malalabag o masisira ang marriage como social institution.
Subalit iginiit ni Ascuna na malinaw sa proklamasyon ng 1987 charter, ang pamilya ay isang pundasyon ng bansa na isa sa dahilan kung bakit hindi naisasabatas ang panukalang diborsyo sa bansa sa mga nakalipas na taon.
Kung maaalala, inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill No. 9349 o absolute divorce bill sa ikatlo at huling pagbasa noong Mayo 22.
Samantala, sa kasalukuyan tanging ang Pilipinas at ecclesiastical state ng Vatican City ang natatanging mga bansa sa buong mundo na walang divorce law.