BUTUAN CITY – Ipinaliwanag ni international law expert Atty. Hillary Olga Reserva na nabuo ang principle of presidential immunity base na sa principle of practicability.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag nitong kailangan talagang magiging immune mula sa mga kaso ang presidente ng bansa upang epektibo nitong magampanan ang kanyang katungkulan at hindi mauubos ang kanyang termino sa pagsasagot na lamang sa kasong isasampa laban sa kanya.
Ngunit sa desisyon umano ng US Supreme Court sa pagbigay ng absolute immunity kay Trump, makikita na parang ginawa itong hari dahil sa halatang pag-i-exempt nito sa rule of law.
Kung titingnan umano ang prinsipyo kungsaan ibinase ang presidential immunity, makikita na mayroong rational o logical connection ang desisyon ng Korte Suprema dahil ang presidente, ay palaging immune, base na sa ground ng practicability.
Kung palagi lamang umanong kukwestyunin ng sambayanan ang desisyon ng presidente, wala ng may gustong magiging presidente dahil matatakot na baka ma-prosecute sa panahon ng kanyang termino o kaya’y matapos ang kanyang incumbency.
Magsisilbi rin umano itong matibay na precedent sa ibang mga kasong isinampa laban kay Trump lalo na’t ang Korte Suprema na ang nagdesisyon nito kung kaya’t rerespituhin din ito ng ibang mga korte.
Hindi rin maitatago na magiging katatawanan ito para sa ibang mga bansa gaya ng Pilipinas na posible pang gagayahin ng ating hudikatura.
Ito’y dahil karamihan sa ating mga jurisprudence o legal principles ay ibinase man sa mga jurisprudences din ng Estados Unidos.