-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tinukoy ng AFP na si Owayda Marohomsar alyas Abu Dar ang nasa likod ng “Kyla Bistro” bombing na ikinasawi ng 10 katao na kinabilangan ng elected official at mga doktor na nagmula sa Metro Manila sa Limketkai Rosario Arcade, Cagayan de Oro City noong taong 2013.

Ginawa ng AFP ang pag-amin matapos nilang kumpirmahin na si Abu Dar ang napatay ng kanilang mga tauhan sa engkuwentro sa bayan ng Tubaran, Lanao del Sur noong Marso 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Lt. Col. Gerry Besana na maliban sa pangunguna ni Abu Dar sa naganap na bomb explosion sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 2013, sangkot din daw ito sa ibang malakihang pambobomba sa mga piling lugar sa Mindanao.

Sinabi ni Besana na malinaw umano ang mensahe na kamatayan ang sasapitin ng mga teroristang magtatangkang maghasik ng kaguluhan sa rehiyon.