Arestado ang isang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na umano’y bomb expert sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PNP at Marine Battalion Landing Team (MBLT)-11 sa Barangay Sangali, Zamboanga City.
Kinilala ang naarestong bandido na si Kahar Indama alyas “Khang”, residente ng nasabing barangay.
Natukoy naman ng mga otoridad na pinsan ni Kahar si Basilan based ASG leader Furuji Indama.
Si Kahar Indama ay experto sa paggawa ng Improvised Explosive Device (IED) at sangkot sa pagpapasabog sa Batasan Complex, sa Quezon City noong Nobyembre 13, 2007.
Sa nasabing pagsabog nasawi si Basilan Congressman Wahab Akbar at pagkasugat ng pitong iba pa kabilang ang dalawang mambabatas.
Sangkot din ang suspek sa pananambang sa tropa ng 4th Special Forces ng Philippine Army noong 2007 na dahilan ng pagkamatay ng pitong CAFGUs, isang BPAT at pagkasugat ng tatlong Army Officers, apat na enlisted personnel at isa pang CAFGU.
Ayon kay PRO-9 Spokesperson PMaj. Helen Galvez, inaresto si Indama sa pamamagitan ng warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nakuha sa kanyang posisyon ang mga IED components, isang .38-caliber revolver na loaded ng tatlong ammunitions.