Wala pa umanong balak si Calvin Abueva na kagatin ang alok sa kanya na maglaro sa Japanese B.League.
Bago ito, kinumpirma ni Abueva na nakatanggap siya ng offer mula sa isa sa mga koponan sa B.League, na sinabi sa kanya ng isang agent.
“May alok ako, tinext ako nung kaibigan kong agent. Hinahanap nga raw ako sa kanya ng isang Japanese team,” wika ni Abueva.
Pero ayon kay Abueva, gusto niya raw muna ayusin ang kanyang problema sa PBA.
Inamin din ng dating PBA Rookie of the Year awardee na bago pa man ito ma-draft bilang second overall ng Alaska noong 2012, nakatanggap na raw siya ng maraming mga alok mula sa iba’t ibang mga Asian teams.
“May mga alok sa kin dati, marami. Hong Kong, Japan, Korea, Thailand, iba-iba. Pero hindi ko nga yun pinansin kasi that time gusto ko maglaro sa PBA. Yun yung dream ko kahit nung simula pa lang,” dagdag nito.
Ngunit binigyang-diin ni Abueva na kung hindi na ito makakapaglaro sa PBA, maaaring ikonsidera na raw nito ang mga offer sa kanya.
“Eh, syempre lagi mo uunahin yung kapakanan ng pamilya mo. Pag talagang walang nangyari, baka consider ko rin yun. Kasi hindi naman na tayo bumabata,” ani Abueva.
“Ang sa kin lang, mas gusto ko sa PBA. Ito naman lagi ang first option ko ever since. Pero kung wala pa rin, syempre baka humanap na muna tayo ng iba.”