-- Advertisements --
abueva
Calvin Abueva/ Photo courtesy of PBA

Pinatawan ng indefinite suspension ng PBA si Calvin Abueva ng Phoenix Pulse at pinagmumulta pa ng P70,000 dahil sa dalawang magkahiwalay na insidenteng kinasangkutan nito sa PBA Commissioner’s Cup.

Ito’y matapos na ipatawag si Abueva ni PBA commissioner Willie Marcial nitong Martes.

Nabigyan ng P50,000 penalty si Abueva bunsod sa paghataw nito sa mukha kay TNT import Terrence Jones nitong Linggo, dahilan para patawan ito ng flagrant foul two.

Mayroon ding P20,000 fine si Abueva dahil sa pambabastos nito sa nobya ni No. 2 overall pick Ray Ray Parks Jr. na si Maika Rivera noong Biyernes.

Samantala, suspendido rin ng dalawang laro si Phoenix Pulse coach Louie Alas at pinatawan ng P40,000 multa dahil sa pamimisikal nito sa isang player noong Linggo.

Bukod pa rito, mayroon ding P20,000 multa si Alas dahil sa flagrant misconduct nang itulak nito si TNT cager David Semerad, at P20,000 pa dahil sa pahayag nitong nakasasama sa liga.

Hindi rin nakaligtas si Jones na nakakuha ng P70,000 multa sa dalawang magkahiwalay na insidente.

Multang P50,000 ang nakuha ng dating Houston Rockets cager nang suntukin nito si Abueva sa groin area, at P20,000 dahil sa pangongompronta nito sa isang game official.

Wala ring ligtas si TNT assistant team manager Miguel Fernandez na may multang P10,000 dahil sa paglapit nito sa technical table.

May tig-P1,000 namang multa sina Phoenix import Rob Dozier at Jason Perkins dahil sa kani-kanilang technical fouls.

Suspendido naman ng 10 laro ang referee na si Bing Oliva na sinisisi sa kawalan nito ng tawag kay Jones.