Pinayagan na rin ng PBA na makasama sa PBA bubble sa loob ng Clark, Pampanga ang kontrobersiyal na si Calvin Abueva ng Phoenix Super LPG.
Kanyang ibinahagi sa social media post na IG ang kanyang larawan sa isa sa mga room ng Quest Hotel sa Clark Freeport Zone
Ito rin naman ay kinumpirma ng Phoenix team makaraang pormal na mag-check in sa hotel nitong nakalipas na Martes ang mga koponan.
Gayunman wala pang inaanunsiyo ang PBA sa eksaktong araw niya na paglalaro upang tuluyang tanggalin ang ban at makibahagi sa 2020 PBA Philippine Cup.
Bago ang pagpasok niya sa PBA bubble, nakipag-usap muna si Abueva at kanyang coach sa PBA at GAB kaugnay sa pagbabalik sa kanyang lisensiya.
Magugunitang noong nakaraang taon ay pinatawan ng suspension si Abueva dahil sa alitan sa import ng TNT KaTropa at sa nobya ni PBA rookie Ray Parks.