Nagbabala si National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Police Brigadier General Vicente Danao Jr. sa mga police commander sa kanyang nasasakupan na gawin nang maayos ang kanilang trabaho kung ayaw nilang masibak sa puwesto.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Danao na binibigyan niya ng oras ang mga chief of police at station commanders na gampanan nang maigi ang kanilang trabaho dahil kung hindi ay may kalalagyan daw ang mga ito.
Ayon pa kay Danao, dapat paigtingin pa ng mga pulis ang mga law enforcement operations sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Mayroon tayo kasing rating in every district. So those who will be rated low lalo na sa mga chief of police at station commanders na hindi nagpe-perform, I’m giving you time to shape up or you will be shaken up,” wika ni Danao.
“It does not mean na dahil pandemic tayo eh ‘yung ating law enforcement natin eh mapapabayaan. Dapat mas lalo nating paigtingin dahil siyempre pandemic ngayon, marami ang walang kabuhayan, others might take advantage of the situation,” dagdag nito.
Kasabay nito, inatasan na rin ni Dabao ang lahat ng mga chief of police na magsagawa ng malawakang accounting ng mga tauhan at armas sa istasyon ng pulisya.
Ito aniya ay para matiyak na hindi pala-absent ang mga pulis at magagamit ang mga ito para sa mas maigting na police visibility.