Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nagpahayag na ng katiyakan si Retired Police General Benjamin Acorda Jr sa Council of Chiefs o grupo ng mga nagsilbi bilang hepe ng pambansang pulisya na wala siyang ginagawang masama.
Magugunitang, ipinakita ang mga larawan sa ikinasang pagdinig ng Senate Committee on Women and Children na makikitang magkakasama sina Acorda at ilang personalidad na iniuugnay sa POGO gaya nina Tony Yang at Sual, Pangasinan mayor Dong Calugay.
Sa pulong balitaan, sinabi ni dela Rosa na marami namang nagpapakuha ng litrato sa kanila lalo na bilang hepe ng PNP.
Sa kaso ni Acorda, bibigyan siya ng pagkakataon na maipaliwanag sa komite ng Senado ang larawan na kasama ang umano’y POGO personalities.
Palaisipan pa rin sa senador ang alegasyon kay Acorda dahil naniniwala siyang matinong tao ito.
Bilang hepe at pinakamataas na posisyon sa organisasyon ay dudumihan pa raw ba ang sarili kapalit ng pera.
Humupa naman na aniya ang alingasngas ng mga dating hepe ng PNP matapos na aminin ni PAGCOR Senior Vice President for Security Raul Villanueva na hindi pa kumpirmado at walang intelligence data sa kanyang nadinig na usap-usapan na may dating PNP chief ang nakinabang sa operasyon ng POGO.