Ngayon pa lamang inaasahan na ng ilang mga political analysts na maaabswelto si US President Donald Trump sa ginaganap na impeachment trial.
Posibleng pagbotohan na sa araw ng Sabado ang isyu kung nararapat pa bang magpatawag ng testigo o kaya mga dokumento.
Sa pagpapatuloy ng question and answer, muling ipinaggitgitan ng mga House managers ang kahalagahan ng pagpapatawag kay dating National Security Adviser John Bolton at ilang dokomento upang magpatunay sa kanilang kaso laban kay Trump.
Maging si Rep. Adam Schiff, ang House lead manager, ay nangakong baka abutin lamang sila ng isang linggo o mas maaga pa kung payagan ang pag-subpoena sa mga testigo na kanilang kahilingan.
“This can be done very quickly. This can be done effectively,” ani Schiff. “We should be able to reach an agreement on concluding that process within a week.”
Ang White House counsel na Pat Cipollone ay naniniwala naman na hindi maganda para sa politika sa Amerika na ang isang pangulo ay patatalsikin lalo na at maituturing na election year ngayon.
“For all [the Democrats’] talk about election interference, they’re here to perpetrate the most massive interference in an election in American history. Let the American people decide.”
Kung maala ang Senado ay mas nakakarami ang supporters ni Trump mula sa Republicans sa bilang na 53-47.
Kahit para magkaroon daw ng tatlong defections o kaya mauwi sa 50-50 tie ay mananalo pa rin si Trump.
Ang Chief Justice of the United States na si John Roberts ay hinuhulaan na hindi boboto kung sakaling may tie-breaking vote at sa halip ay mag-a-abstain daw ito.
Samantala kung sakaling mabigo ang witness vote, ang Senado ay sunod na magbobotohan sa articles of impeachment sa Sabado o kaya sa Linggo na (araw sa Pilipinas).
Mahirap ang kakaharaping laban ng mga Democrats dahil kailangan nila ng two-thirds supermajority vote upang i-convict o patalsikin sa puwesto si President Trump.
Sa susunod na Miyerkules ay inaasahan naman na haharap sa mga mambabatas si Trump para sa taunang State of the Union Address.