BOMBO RADYO DAGUPAN — Ikinalulungkot at hindi matanggap ng kampo ni Rep. France Castro ang naging hatol sa kanya at kay dating Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo ng Tagum City Regional Trial Court.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alliance of Concerned Teachers Partylist Rep. France Castro, sinabi nito na hindi nakita ng mababang hukuman ang mga kaganapan noong 2018 kung saan nagsagawa ang mga nabanggit na grupo ng humanitarian mission.
Ito ay kaugnay sa umano’y ginagawang pangha-harass ng mga mag-aaral na Lumad.
Aniya na dahil sa desisyon ng RTC ay maghahain sila ng apela sa Court of Appeals sa mga susunod na araw sa pag-asang makikita ng mas mataas na Korte ang mga hindi nakita ng Tagum City RTC.
Saad nito na hindi nila inaasahan ang inilabas na hatol laban sa kanila at sa apat na kasamahan nilang mga Pastor, bagkus ay inasahan nila na maa-acquit sila.
Ngunit ang nangyari ay na-acquit ang apat na pastor, ngunit sinampahan sila ng kaso at gayon na rin ang iba pa nilang mga kasamahan na kinabibilangan ng walong mga guro at administrator ng paaralan, at dalawang staff ng ACT Partylist.
Dagdag nito na nawalan ng hustisya ang mga mag-aaral na Lumad sa ginawang paghahain ng hatol laban sa kanila, na taliwas sa sinasabing naisilbi na ang hustisya para sa mga ito ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dimaala.
Ani Castro na ang nangyari kasi noon sa ilalim ng pamumuno ni dating Pres. Rodrigo Duterte ay unti-unting ipinasara ang mahigit 200 na mga paaralan na nagdulot upang mawalan ang mga mag-aaral na Lumad ng edukasyon.
At ito aniya nararanasan pa rin ng mga ito magpahanggang sa ngayon dahil sa militarisasyon, pananakot, pangha-harass ng mga militar sa naturang lugar upang protektahan ang mga malalaking kompanya ng minahan at logging na naglalayong nakawin ang mga lupain ng mga Lumad.
Samantala, pinayuhan naman nito si retired Philippine Army Col. Segundo Metran Jr., na basahin muna ng maigi ang desisyon ng mababang hukuman, at suriin ng mabuti ang background at kasaysayan ng mga pakikibaka ng mga Lumad bago siya ituring bilang “kriminal”.
Ngunit dahil nagpapatuloy pa rin ang pag-andar ng kaso ay wala itong karapatan na i-conclude o akusahan ang mambabatas kaugnay nito.
Aniya na bagamat wala kasi silang update ngayon sa mga batang Lumad ay umaasa naman itong nakakakuha pa rin sila at naipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral.