LEGAZPI CITY – Hindi kumbinsido ang grupong Alliance of Concerned Teachers sa isinusulong ngayon sa Kamara na House Bill 9260 o ang Campus Security Act na layunin na maglagay ng closed-circuit television sa lahat ng mga paaralan sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimer Quetua, binigyang diin nito na hindi camera ang kailangan ng mga paaralan kundi dagdag na mga tauhan na magbabantay nito.
Imbes na maglagay ng pondo sa closed-circuit television mas maganda umano kung ilalaan na lang ang budget sa pagkuha ng mga security guards na magbabantay sa mga paaralan at makakaresponde sakaling may mangyaring krimen o hindi inaasahang insidente.
Ayon pa kay Quetua, kulang rin ang mga guidance councilors, guro, mga gamit at klasrum sa mga paaralan na siyang mas dapat na pagtuonan ng pansin ng gobyerno.
Binigyang diin ng Alliance of Concerned Teachers na hindi sila tutol sa paggamit ng teknolohiya para sa seguridad ng mga paaralan subalit mas dapat umanong paglaanan ng pondo ang mga bagay na may mas malaking epekto para sa mga mag-aaral at guro.