LAOAG CITY – Kumpiyansa si ACT Party List Representative Congresswoman France Castro kay Sen. Sonny Angara bilang Department of Education Secretary.
Ayon sa kanya, mas may karanasan si Sen. Sonny Angara sa sektor ng edukasyon at gumawa ito ng mga batas ukol sa edukasyon tulad ng Libreng Tertiary Quality Education For All at isa siya sa mga may-akda ng K-12 program.
Umaasa siya kay Sen. Angara na ang mga pipiliin nitong bilang Undersecretary at Asst. Secretary ay ang mga may karanasan sa edukasyon o mula sa sektor ng edukasyon upang tulungan siaya na tugunan ang pagbabago sa sitwasyon ng edukasyon sa bansa.
Kaugnay nito, umaasa rin siya na si Sen. Angara, bilang miyembro ng Committee on Appropriationsa ang mamumuno upang itaas ang budget sa edukasyon ng 6% Gross Domestic Product sa mga proyekto tulad ng pagtatayo ng mga silid-aralan at mga gusali ng paaralan, kasama ang pagtataas ng suweldo ng mga guro at empleyado ng gobyerno .
Dagdag pa niya, tututulan niya na kung hihiling ang Senador na maglaan ng confidential fund para sa Deparatment of Education, dahil naniniwala siyang hindi intelligence agency ang ahensya.
Samantala, binigyang-diin ni Castro ang kahalagahan ng dekalidad na edukasyon at wastong paggamit ng badyet para masolusyunan ang mga problema sa sektor ng edukasyon.