-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Maghahain ng petisyon sa korte suprema ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist matapos na lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund na naging ganap na batas.

Ayon kay ACT partylist representative France Castro, kanilang iaapela ang teknikalidad ng bersyon ng MIF mula sa enrolled bill hanggang sa naratify ito sa kongreso gayundin ang legalidad sa paggamit ng pondo ng mamamayan mula sa mga government banks.

Aniya, simula’t sapol ay tutol sila sa MIF dahil maraming isyu ang dapat pagtuunan ng pansin ng Pangulo lalo na’t marami pa rin ang lugmok sa kahirapan sa buong bansa.

Nabatid na ang Republic Act 11954, na nilagdaan ng Presidente ay layuning suportahan ang economic goals ng administrasyon sa paraan ng pagbuo ng unang “sovereign wealth fund” ng pamahalaan.

Bibigyan ng RA 11954 ng kapasidad ang gobyernong mag-invest sa lahat ng mga importanteng proyekto gaya nang sa agrikultura, imprastruktura at iba pa.