BUTUAN CITY – Hindi na ikinagulat pa ni Alliance of Concerned Teachers o ACT partylist Representative France Castro ang pagbitiw ni Vice President Sara Duterte sa posisyon nito bilang Department of Education Secretary at bilang vice-chairwoman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon sa kongresista, matagal na nila itong gusto dahil wala raw silang nakitang ginawa ang bise presidente upang masolusyunan ang mga problemang kinakaharap ng departamento.
Ito’y lalo na’t binanggit ng pangalawang pangulo na “good for the election” lamang umano ang Uni-Team na nalikha ng administrasyong Marcos-Duterte.
Giit ng kongresista, wala raw’ng naiwang makabuluhang legasiya si VP Sara sa kanyang dalawang taong panunungkulan bilang Education Secretary dahil nananatili pa rin hanggang sa ngayon ang dating mga problema ng departamento.