-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN — Kinikilala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang naging pagbaba sa pwesto ni Vice Pres. Sara Duterte bilang Kalihim ng Department of Education.

Ngunit kasabay nito ay ang panawagan ng grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maging leksyon ang karanasan na ito sa pagtatalaga ng panibagong Kalihim ng DepEd.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chairperson ng nasabing organisasyon, binigyang-diin nito na mainam na ihiwalay ang political ambitions sa social interest.

Dapat din aniya na maging batayan ng kwalipikasyon ng susunod na itatalaga sa pwesto ang pagiging pro-teachers at pro-education.

Aniya na mayroon ding foreshadowing sa naging pagbaba ng Bise Presidente bilang Kalihin ng ahensya, at ilan na nga sa mga senyales na ito ay nakita sa pagkakadawit ng mga Duterte sa iba’t ibang mga pagdinig sa Senado.

Para naman kay Quetua, ang isang magandang nagawa ng Bise Presidente habang ito ay nanunungkulan bilang Kalihim ng DepEd ay ang pag-amin nito na may problema sa mismong sistema ng edukasyon sa bansa.

Pagdidiin pa nito na ang nangyayari ngayon ay “usapin sa posisyon” lalo na’t papalapit ang 2025 mid-term elections.