-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Suportado ng Aliance of Concerned Teachers (ACT) ang isinagawang national transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Manibela laban sa consolidation deadline sa Disyembre 31 para sa PUV modernization.

Ayon kay ACT-Partylsit Rep. France Castro, rehabilitasyon ang panawagan ng ilang mga jeepney drivers at operators sa pamamagitan ng pagpalit ng kanilang mga makina upang makatugon sa requirements ang kanilang mga sasakyan dahil umaabot ng hanggang P3 milyon ang halaga ng isang unit ng electronic jeepney na binibili pa sa ibang bansa.

Ang consolidation umano ay hindi dapat gawing requirement o pre-requisite para sa modernization.

May karapatan aniya ang mga jeepney drivers at operators na manatiling single owners ng kanilang mga sasakyan dahil ayaw nilang mawalan ng trabaho.

Sa oras na makapasok sa transport cooperatives, mawawala na kanila ang kani-kanilang prangkisa at ang nakasanayang boundary system.

Dagdag pa nito na mistulang ginagawa umanong negosyo ng pamahalaan ang pagbili sa e-jeepney.

Nilinaw pa ni Castro na hindi sila humahadlang sa modernization program subalit kailangan munang matulugangan ang mga jeepney drivers upang hindi mawalan ng hanapbuhay.