-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kinondena ni ACT Teachers Party-List Representative France Castro ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. isang “waste of time” para magsampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos maghain ng impeachment complaint ang Makabayan Bloc laban sa bise presidente noong Disyembre 4.

Ayon kay Castro, hindi naman talaga nakakagulo at nagsasayang ng oras sa House of Representatives ang impeachment proceedings.

Dagdag pa niya, hindi pag-aaksaya ng panahon ang impeachment laban sa bise presidente, lalo na’t may kinalaman ito sa isyu ng mahigit 600 milyong piso na umano’y anomalya sa gobyerno.

Aniya, bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, dapat lamang harapin ni Duterte ang responsibilidad tungkol sa maling paggamit ng pondo ng publiko.

Kaugnay nito, sinabi ni Castro na hindi dapat pangunahan ng presidente ang desisyon ng mga senador at kamara lalo na pagdating sa impeachment.

Samantala, sinabi ni Castro na mahigit 70 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor ang nagsampa ng pangalawang impeachment complaint laban kay Duterte.