KALIBO, Aklan — Naniniwala si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na ‘alibi’ lang ni Vice President Sara Duterte na may banta sa kanyang buhay upang bigyang dahilan ang kanyang naging pahayag na kumuha siya ng assassin na inutusan umano niyang pumatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 1st Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling mauna siyang ipapatay.
Ayon sa kanya na mahilig ang Bise Presidente na magbaligtad ng mga kwento.
Ang pinaka-isyu umano dito ay ang kanyang banta sa buhay ng tatlong matataas na personalidad ng gobyerno.
Maari umanong magsumbong si Duterte sa mga awtoridad kung totoong may banta sa kanyang buhay sa halip na magpalabas ng pahayag na nag-hire siya ng hitman.
Sa ngayon ayon kay Castro ay dere-deretso ang kanilang mga ginagawang hearing sa Kamara ukol sa confidential funds, extra judicial killings, POGO at iba pang mga isyu at hindi nagpapa-apekto sa drama na ginagawa ng mag-amang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara.
Naniniwala rin siya na unbecoming ang mga binitiwang pahayag ng Bise Presidente.
May epekto umano ito sa opisina ni Duterte at hindi sa gobyerno mismo.
Dagdag pa na malabo na aniyang maayos ang dating uniteam ng dalawang opisyal .