Hinimok ni Act Teachers Partylist Rep France Castro ang gobierno na kaagad maghain ng protesta, kasunod ng panibagong inilagay ng China na mga harang sa karagatang bahagi ng Bajo De Masinloc.
Ayon sa mambabatas, ito ay bahagi ng ‘expansionist agenda’ ng China sa West Phil Sea.
Giit ni Castro, na siya ring Deputy Minority Leader sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ito ay bahagi ng paggigipit ng China at paglabag sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na sa WPS nakadepende ang kanilang kabuhayan.
Inirekomenda rin ng mambabatas na dapat ay makakuha ng suporta ang bansa mula sa iba pang mga bansa para i-pressure ang China na igalang at sundin ang international law.
Ayon pa sa mambabatas, ang ginawang ito ng China ay hindi lamang pakikialam sa kabuhayan ng mga mambabatas kungdi pangingialam din sa pambansang soberanya ng Pilipinas sa mga teritoryong nasa ilalim nito.