Nakahalf-mast ngayon ang Philippine flag sa Lalawigan ng Bohol bilang simbolo ng pagluluksa sa pagpanaw ni Acting Governor Dionisio Victor Balite sa edad na 52 anyos.
Kagabi, Hulyo 17, nang kinumpirma ng pamilya ni Balite ang pagkamatay ng opisyal sa isang pagamutan sa Tagbilaran City ngunit hindi naman binanggit kung ano ang sanhi ng pagkamatay nito.
Buhos naman ang ipinaabot na pakikiramay kung saan isa na dito si suspended Gov. Aris Aumentado.
Sa social media post ni Aumentado, ikinalungkot nito ang pagpanaw ng acting governor na kanyang itinuturing loyal at mabuting kaibigan at partner sa politika.
Nagsimula si Balite sa kanyang political career bilang first board member noong 2016 habang nanalo naman ito bilang bise gobernador noong 2022 elections.
Matatandaan na noong Mayo 28, 2024, naluklok ito bilang acting governor matapos isinailalim sa 6 na buwang suspensyon si Gov. Aumentado dahil sa isyu ng pagtatayo ng resort sa paanan ng Chocolate hills.
Kasunod ng pagpanaw ni Balite,papalit naman bilang acting governor ng Bohol si Provincial Board (PB) Member Tita Baja.
Sa oras na matapos naman ang anim na buwang suspensiyon ni Aumentado, si Baja ay magsisilbing bise gobernador para sa kabuuan ng unang termino ni Balite na magtatapos sa Hunyo 30 sa susunod na taon.