CAGAYAN DE ORO CITY – Tutulong umano ang matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na si acting Cagayan de Oro City Mayor Girlie Balaba na mapadali ang pagpapabalik sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) at ibang gaming schemes ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa buong bansa.
Ito ay kahit ipinag-utos na ni Duterte na alisin ang closure order sa PCSO upang makapagpatuloy na ang mga palaro nito na tinigil ng ilang araw dahil sa nadiskubreng malawakang korapsyon.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Balaba na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya upang magbalik na rin sa normal ang ibang PCSO gambling games na tinamaan sa inilabas na kautusan ng Pangulo.
Inihayag ni Balaba na nauunawaan umano nito ang hinaing ng mga negosyante subalit mas tinimbang din ni Duterte ang pangkalahatang kapakanan ng taongbayan kaya ipinag-utos ang imbestigasyon laban sa ilang tiwali na PCSO officials.
Naniniwala ang matalik na kaibigan ni Duterte na si Balaba na hindi na aabot ng isang buwan ay makakabalik na sa normal ang lahat ng mga palaro at malinis na sa bahid ng korapsyon ang ahensiya.
Si Balaba na dating disc jockey (DJ) ng STAR FM Davao at reporter ng ABS-CBN Davao at si Duterte ay matagal nang magkaibigan noong nasa Davao City pa ito naninirahan.
Tanging si Balaba lamang na kumandidato ng pagka-konsehal noong May 13, 2019 elections ang binigyang full political support ni Duterte kaya nakuha ang landslide victory sa segundo distrito ng lungsod.