Tiniyak ni acting House Appropriations Panel Chair at Marikina Representative Stella Luz Quimbo na ang 2025 national budget ay naaayon sa batas, balido at ganap na maipapatupad.
Pahayag ito ni Quimbo kasunod sa isyu ng umano’y “blank items” na nakapaloob sa 2025 General Appropriations Act.
Pinagtibay din ni Quimbo ang mga nauna nang ipinahayag ng Executive Secretary Lucas Bersamin, Department of Budget and Management, Liderato ng Senado, at mismong si Pangulo Bongbong Marcos hinggil sa napunang pambansang pondo ng pamahalan ngayong taon.
Ipinunto din ni Quimbo, na ang enrolled General Appropriations Bill ay kumpleto at walang blangkong alokasyon sa higit 235 thousand line items.
Pinahintulutan din aniya ng Bicameral Report ang mga technical secretariat ng parehong kapulungan na magpatupad ng mga pagwawasto at pagsasaayos kung kinakailangan at hindi ito nakaaapekto sa integridad o legalidad ng badyet.
Nang lumagda ang mga miyembro ng Bicameral Committee sa report ay lahat ng appropriations ay tukoy at aprubado.
Tinawag naman ni Quimbo na ‘politically motivated’ ang mga patuloy na pumupuna sa budget at sa mga pilit itong hinahaluan ng isyu.
” When the members of the Bicameral Committee signed the report, all appropriations had already been determined and approved no changes were made,” pahayag ni Quimbo.
Nanawagan naman si Quimbo na hindi na dapat palakihin pa ang isyu at dapat tutukan na lamang ang mahahalagang isyu lalo na ang mga hamon na kinakaharap ng bansa partikular ang pangangailangan ng ating mga kababayan.