Nauwi sa word war sa pagitan nina Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Bacolod City Vice Mayor El Cid Familiaran ang isyu hinggil sa repatriation ng mga Badjao.
Ikinagalit ng alkalde ng Iloilo City at tinawag na “stupid” ang umano’y pagpapadala ni Familiaran ng 80 Badjaos sa lungsod.
Nilagdaan rin ni Treñas ang executive order na nagdedeklara kay Familiaran na isang persona non grata sa Iloilo City.
Sumagot naman ang vice mayor at ngayo’y acting mayor sa Bacolod City at sinabing sana ay nag-imbestiga muna si Treñas bago minadali ang pagpapalabas ng reaksyon sa isyu.
Aniya, “respect begets respect”, at hindi niya papahintulutan na maging siya ay ma-bully ng alkalde.
Ayon pa sa bise-alkalde, hindi niya ipinag-utos na ipadala sa Iloilo ang mga Badjao at hindi rin nito alam na nakasakay na ang mga ito sa roll-on/ roll-off vessel papuntang Dumangas.
Nilinaw rin nito na iniutos lamang niya sa Department of Social Services and Development head na i-account ang mga Badjao sa lungsod kasunod ng mga reklamo na kanilang natanggap.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Treñas, sinabi nito na kung sana sa simula pa lang ay may respeto si Familiaran, nag-coordinate sana ito sa local government unit bago ang byahe ng mga Badjao na isang grupo ng nomadic at Indigenous Peoples.